1 kumento 7/13/07

Dahil ang blog na ito ay maglalaman ng mga kuwento na tungkol sa mga taong grasa, nararapat lang na bigyan ko kayo ng kaunting impormasyon kung ano nga ba kami.

Kapag sigruo nagtanong-tanong ka sa mga kaibigan mo kung ano ang Taong Grasa. Malamang ang isasagot nila sayo ay "E di, tao na grasa", sabay batok sa ulo mo dahil ang weird ng tanong mo.

Tao na grasa. Hindi ibig sabihin nito na gawa kami sa grasa. Yung tipong kapag sinaksak mo ay tatagos ang kutsilyo sa mga katawan namin. Parang superhero, pero mabaho nga lang. Ito ang itiniwag sa amin dahil karaniwang puno ng grasa ang aming mga katawan. Yung iba naman puro libag, pero mas nakakarami ang grasa.

Pero hindi naman lahat ng taong grasa ay naliligo sa kanal para lang makaipon ng sapat na grasa sa katawan. Hindi naman porket taong grasa kami ay obligasyon na namin ang magpakarumi. Kahit papaano, naliligo naman ang iba sa amin paminsan-minsan. Tulad ko. Promise!

Malaki na kasi ang saklaw ng katagang Taong Grasa. Kung noon ito ay tumutukoy lang sa mga taong maitim sa grasa, ngayon, pati mga taong kalye, mga pulubi, at mga basurero ay nasasaklaw na sa ilalim ng salitang ito. Basta walang bahay, taong grasa. Basta mabaho, taong grasa. Basta mahirap, taong grasa.

Isa ring karaniwang maling akala sa aming grupo ay lahat kami ay puro mga nasiraan na ng ulo. Hindi ito totoo. Oo, marami na ang baliw ang nauwi sa pagiging taong grasa at marami din ang mga taong grasa na nauuwi sa pagkabaliw, pero hindi kami lahat ay baliw at mga siraulo.

Marami sa amin ang napilitan lang maging taong grasa dahil sa kahirapan sa buhay. Yung iba naman ay dahil sa naligaw sila sa Maynila at naiwanan na ng kanilang pamilya na parang Home Alone. Marami pang ibang mga kuwento kung paano nauuwi ang mga taong grasa sa kalagayan nila. Yung sa akin ang pinakacool dahil naging taong grasa ako pagkatapos kong magka-amnesia. Lufet. Original.

Lahat ng taong grasa ay mahihirap. Oo, hindi namin mapagkakaila yon. Kami ang nagsisilbing pinakamababang uri ng tao ng lipunan. Dahil dito ay basta-basta nalang kaming inaalipista, binabastos, at minsan, hinahayaan nalang na mamatay.

Pero sino nga ba talaga ang taong grasa? Ang mga nabanggit ko lamang sa itaas ay mga konseptong alam na ng lahat tungkol sa amin. Pero kung gusto nyong malaman kung ano talaga sa tingin ko ang mga taon grasa, pwes, mga minamahal kong mambabasa, tao rin kami katulad nyo. Nagkakaiba lang tayo sa mga pag-aari natin, pero kapag nawala sa inyo yang mga pagaari na yan, pare-pareho lang tayong lahat.

Taong grasa ako, taong grasa ka.

1 kumento 7/12/07

Ako si Juan. Ang tawag ng iba sa akin ay Mang Juan. Isang taong grasa na nakatira sa kalye ng Intramuros. Hindi ko alam ang aking apilyido, ni hindi ko nga alam kung Juan nga ba ang aking tunay na pangalan.

Hindi ko ikinakahiya ang aking katayuan sa buhay. Hindi ko rin ito ipinagmamalaki. Ito ay dahil sa walang halaga para sa akin ang pag-alam kung nasaan sa batayan ng antas ng pamumuhay ako nasasailalim.

Ang maganda sa pagiging taong grasa ay marami akong oras para magmuni-muni at magisip. Yun lang naman kasi ang pwede kong gawin, e. Madalas akong nakatingin sa kawalan, nagiisip ng iba’t-ibang mga bagay na pwede kong isipin. Minsan nga hindi ko na namamalayan na inaabot na pala ako ng gabi sa aking pagiisp. Pero ok lang, hilig ko naman ang gawaing ito. Ito ang nagtulak sa akin para subukan ang pagblo-blog.

Kumikita ako ng mahigit bente pesos sa isang araw mula sa paghahakot ng basura at paggawa ng iba’t-ibang gimmick para kumita ng pera. Yung kalahati nito mapupunta para sa aking pagkain, yung natira ay ang pang rent ko ng internet para ako ay makapag-blog.

Alam ko ang iniisip mo ngayon, malamang tinatanong mo sa sarili mo kung bakit kaya ako nagbloblog. Madali lang ang sagot dyan, yan ay sa parehong dahilan kung bakit ka nagbloblog. Nagbloblog ako dahil sa gusto kong magsalita at marinig ng ibang tao.

Dahil ba mahirap lang ako, wala na akong karapatan magblog?

Dito sa blog na ito ko ilalagay ang aking mga pananaw sa buhay, mga saloobin, o kahit ano na pwede kong pagusapan. Dito nyo maririnig ang mga pagpuna sa mundong ginagalawan natin mula sa isang di-pangkaraniwang pananaw. Ang pananaw mula sa gilid ng kalye.